5.09.2006

Etolohiya: Bukas-Bibig Na Pananakot













[Prinoseso mula sa kuhang foto ni Ria Bisahan]

Edna St. Vincent Millay
Hindi Lahat Ang Pag-ibig: Hindi ito Kanin, Hindi Tubig
[Salin: Lamaw]

Hindi lahat ang pag-ibig: hindi ito kanin, hindi tubig
Hindi kahimbingan o bubong laban sa tag-ulan;
Hindi trosong lumulutang sa taong nalulunod
Na lulubog, aahon at lulubog, aahon;
Ang pag-ibig ay hindi iihip ng hangin sa naninikip na baga,
Hindi lilinis ng dugo o hihilot sa nabaling buto;
Ngunit hindi iisang tao ang humahalik sa kamatayan
Kahit mismo ngayon, dahil lang sa kawalan ng pag-ibig.
Puwedeng sa oras ng kagipitan,
Habang pinipiga ng paghihirap at nananaghoy ng kalayaan,
O ginigulo ng kakulangang walang lunas,
Ay matukso akong ipagbili ang pag-ibig mo sa payapang kalooban,
O ipagpalit ang ala-ala ng gabing ito sa pagkain.
Puwedeng mangyari 'yan. Siguradong hindi ko gagawin.

1931

Etolohiya: Pahingang-Pusa

Dylan Thomas
Ang Lakas na sa Berdeng Mitsa'y Tumutulak sa Bulaklak
[Salin: Lamaw]

Ang lakas na sa berdeng mitsa'y tumutulak sa bulaklak
Tumutulak sa berde kong gulang; na nagpapasabog sa mga ugat ng puno
Ang sa aki'y tutupok.
At umid akong sabihan ang nabaluktot na rosas
Ang aking kabataa'y binaliko ng parehong mayelong lagnat.

Ang lakas na tumutulak sa tubig padaan sa mga bato
Tumutulak sa pula kong dugo; na tumutuyo sa lumalagaslas na mga sapa
Ang sa aki'y huhulmang pagkit.
At umid akong bulungan ang aking kaugatan
Papano sa bukal ng bundok sumususo ang parehong bibig.

Ang kamay na umiinog sa tubig ng lawa
Humahalo ng kumunoy; na tumatali sa umiihip na hangin
Wawasak sa aking layag.
At umid akong sabihan ang taong bibitayin
Papano sa aking putik ginawa ang apog ng mambibigti.

Ang labi ng panaho'y naglilinta sa bukal;
Pag-ibig ay papatak at mag-iipon, ngunit ang pumatak na dugo
Ang hihilom sa kanyang mga sugat.
At umid akong sabihan ang hangin ng panahon
Papano ang sandali ay kumudlit ng langit palibot sa mga bituin.

At umid akong sabihan ang puntod ng mangingibig
Papano sa aking kumot gumagapang ang parehong balikukong uod.

1934

Etolohiya: Titig-Makak

Ted Hughes
Salmo-Niknik
[Salin: Lamaw]

'The Gnat is of more ancient lineage than man.' [Mas malalim ang tarsila ng Niknik kaysa tao.] Proverb.

Nang ang mga niknik ay sumasayaw sa dapit-hapon
Sumusulat-sulat sa hangin nanununtok sa wala,
Nag-aagawan ng kanilang loko-lokong diksiyunaryo,
Binabalasa ang kanilang piping Kabala,
Sa ilalim ng aninong dahon

Dahon tanging mga dahon
Ang sa pagitan nila at ng malalawak na saksak ng araw
Dahong sumasangga sa maalikabok na suntok ng lumulubog na araw
Tinatakpan ang kanilang mahihinang mata at makulimlim na ugali

Sumasayaw
Sumasayaw
Nagsusulat sa hangin, binubura ang lahat na sinusulat
Hinahaltak ng buhol-buhol ang mga letra,
Yoyo mga yoyo ng kahit sino

Dambuhalang mga magnet na nag-aaway sa sentro

Hindi nagsusulat at hindi nag-aaway, kumakanta
Na ang pag-iikot-ikot nitong Uniberso ay walang-halaga
Na sila'y hindi takot sa araw
Na ang araw natin ay napakalapit
Pinasasabog nito ang kanilang kanta, tungkol sa lahat ng mga araw
Na sila ang sarili nilang araw
Sariling pag-aapaw
Nakakawala sa kalawakan ng wala
Ang liyab ay pinapalabo ng kanilang mga pakpak
Kumakanta
Kumakanta
Na sila ang mga pako
Sa sumasayaw na kamay at paa ng diyos-niknik
Na naririnig nila ang hanging naghihirap
Sa mga damuhan
At naghihirap sa gabi ang bayan
At ang mga lungsod, nagkakampo sa tabi ng sementeryo,
Nagdurusa hanggang sa ganap na kadiliman

Ang hangin ay yumuyukbo na may pusa-bitukang hiyaw
Ang mga daan at paliparan
Nagsasayawan sa hangin
Sa sayaw ng hangin, sa sayaw-kamatayan,
Tumatalon doon sa mga latian at kahuyan
At mga siyudad na tulad ng mga taeng-bakang nagsisiksikan tungong alikabok

Ngunit hindi ang mga niknik, ang kanilang kasiglaha'y
Nakalampas na sa bungad
At isinabit nila ito sa ibabaw ng mga kuko ng damuhan
Sumasayaw
Sumasayaw
Sa mga aninong guwantes ng punong sikamor
Hindi mababagong sayaw
Sayaw na nag-aalay ng katawan upang tupukin

At ang kanilang embalsamadong mukha ay hindi na magagamit

Ang kanilang maliliit, balbasing mukha
Na naghahabi, lumulubog-lumilitaw sa wala
Inuuga sa hangin, inuuga, inuuga
At kanilang paa'y lumalawit tulad ng paa ng biktima

O munting mga Hasid
Sinasakyan hanggang kamatayan ng inyong mga katawan
Sumasakay sa inyong katawan hanggang kamatayan
Kayo ang mga anghel ng nag-iisang langit!
At ang Diyos ay ang Bathalang Niknik!
Hari kayo ng mga uniberso!
Kamay ko'y lumilipad sa hangin, kalokohan lang
Dila ko'y bumibitin sa mga dahon
Isip ko'y gumagapang doon sa mga siwang

Ang sayaw mo

Ang sayaw mo

Tinatangay ang dilat kong bungo pagulong sa ibayong mundo.

1967

Paglilinis/Pag-alaga Sa Katawan/Sarili/Kapwa

Rainer Maria Rilke
Taglagas
[Salin: Lamaw]

Poon: panahon na. Dumaan na ang dambuhalang tag-init
Takpan ng inyong anino ang kamay ng mga orasan,
at hayaang umihip ang hangin sa parang.

Utusang humitik ang mga bunga sa puno at baging;
biyayaan sila ng ilan pang kalinga't sinag,
sa pagiging ganap ay sigasigin sila, at pigain
ang huling tamis sa matapang na alak.

Sino man ang walang tirahan ngayon, kaylan ma'y mananatiling wala.
Sino man ang nag-iisa mananatiling nag-iisa,
uupo, magbabasa, magsusulat ng mahahabang sulat sa magdamag,
at gagala sa mga kanto, pabalik-balik,
tuliro, habang dumadagok ang mga tuyong dahon.

[Batay sa saling Ingles ni Stephen Mitchell mula sa Aleman na orihinal.]

Kailangan Ring Mamahinga Ng Makak

W.H. Auden
Espanya 1937
[Salin: Lamaw]

Kahapon lahat ng nakalipas. Ang wika ng lawak
Na kumakalat hanggang Tsina padaan sa ruta ng kalakalan; hiraman
Ng abakus at ng kromlek;
Kahapon pagtantiya ng oras sa ilalim ng araw.

Kahapon pagtantiya ng kasiguruhan sa baraha,
Paghuhula sa tubig; kahapon pag-imbento
Ng mga gulong ng karwahe at mga relo, pag-papaamo ng
Mga kabayo; kahapon maliksing mundo ng mga nabigante.

Kahapon pagtakwil sa mga engkanto at tikbalang;
Muog tulad ng walang-tinag na agilang tumititig sa lambak,
Kapilyang tinayo sa gitna ng gubat;
Kahapon paglilok ng mga anghel at mga nakatatakot na gargola.
Paglitis sa mga erehes sa ilalim ng mga haliging bato;
Kahapon mga debate sa relihiyon sa mga tambayan
At mahimalang pag-galing sa may bukal;
Kahapon Linggo ng mga Aswang. Ngunit ngayon tunggalian.

Kahapon pagtatayo ng mga dinamo at turbina;
Pag-gawa ng mga daang-bakal sa kolonyal na disyerto;
Kahapon klasikong lektura
Tungkol sa pinagmulan ng Tao. Ngunit ngayon tunggalian.

Kahapon paniniwala sa absolutong halaga ng Griyego;
Pagbaba ng kurtina sa pagkamatay ng bida;
Kahapon dasal sa paglubog ng araw,
At pagsamba sa mga baliw. Ngunit ngayon tunggalian.

Habang bumubulong ang makata, gulat sa piling ng mga puno ng pino
O, kung saan kumakanta ang malawak na talon, matatag, o tuwid
Sa matarik na bato sa tabi ng tumagilid na tore:
"O, aking paningin. Ay, ibigay sa akin ang suwerte ng mandaragat."

At sumisilip sa kanyang mga instrumento ang imbestigador
Sa mga di-makataong lalawigan, sa mabagsik na mikrobyo
O dambuhalang tinapos ni Jupiter:
"Ngunit ang buhay ng aking mga kaibigan. Inuusisa ko, inuusisa."

At ang mga pobreng nasa kanilang magiginaw na kubo, gulat
Sa narinig na balita: "Isang kamalasan ang araw natin. Ay, ipakita sa amin
Ang Kasaysayan bilang tagapag-paandar, ang
Tagapag-ayos, ang panahon bilang nakabubusog na ilog."

At inipon ng mga bansa ang bawat sigaw, tinawag ang buhay
Na humuhulma sa bawat tiyan at inutusan
ang pang-gabing sindak ng bawat isa:
"Hindi ba minsa'y natagpuan mo ang lungsod ng espongha
"Itinayo ang malawak na emperyong militar ng pating
At ng tigre, pinatag ang matapang na distrito ng maya?
Pumagitna. Ay, bumaba na parang kalapati o
Isang galit na ama, o maamong inhenyero: basta bumaba."

At ang buhay, kung sasagot man ito, sasagot mula sa puso
Mata at baga, mula sa mga tindaha't plasa ng lungsod:
"Ay, hindi, hindi ako ang Tagamaneho,
Hindi ngayon, hindi para sa'yo. Para sa'yo ako ang

"Taong-oo, ang kasa-kasama sa bar, ang madaling-lokohin:
Ako ang kung ano'ng gawin mo; ako ang iyong pangakong
Magpakabait, ang iyong nakatatawang kuwento;
Ako ang iyong boses ng negosyo; ako ang iyong kasal.

"Ano ba'ng gusto mo? Itayo ang makatarungang bayan? Sige.
Sang-ayon ako. O ito ba ang usapang magbigti, ang romantikong
Kamatayan? Okey, sang-ayon ako, dahil
Ako ang bagay na iyong pipiliin, ang iyong desisyon: Oo, ang Espanya."

Marami ang nakarinig n'yan sa malalayong peninsula,
Sa mga antok na kapatagan, sa mga isla ng mga ligaw na mangingisda,
Sa tiwaling puso ng lungsod;
Nakarinig at dumayo na parang mga tagak o mga buto ng bulaklak.

Sila'y kumapit na parang tinik sa mga matutuling bus na gumigiwang
Sa mga balikukong kalupaan, sa gabi, sa tanel ng kabundukang alp;
Nagpatianod sila sa karagatan;
Nilakbay ang mga daan ng kabundukan: pumarito upang ihandog ang buhay.

Dito sa tuyong kapatagan, sa kapirasong tipak ng mainit
Na Aprika, magaspang na sinolda sa mapag-imbentong Europa,
Dito sa lupaing ginuhitan ng mga ilog,
Ang nagbabantang anyo ng aming lagnat ay tiyak at buhay.

Bukas, baka, maliwanag na hinaharap: pananaliksik sa pagod
At sa galaw ng mga kargador; unti-unting pagtuklas sa lahat ng
Oktaba ng pagsinag;
Bukas pagpapalawak ng isip sa pamamagitan ng disiplinadong pagkain at paghinga.

Bukas muling-pagtuklas sa romantikong pag-ibig;
Paglilitrato sa mga uwak; lahat ng saya sa ilalim
Ng magaling na pagsukob ng Kalayaan;
Bukas araw ng hari-ng-palabas at ng musikero.

Bukas, para sa kabataan, mga makatang nagsasabugang parang bomba,
Pamamasyal sa tabi ng lawa, perpektong pagsasalo sa taglamig;
Bukas karera ng bisikleta
Sa mga arabal sa mabituing gabi: Ngunit ngayon tunggalian.

Ngayon di-maiwasang pagtaas ng tsansa ng kamatayan;
Mulat na pag-ako ng kasalanan sa katotohanan ng pagpatay;
Ngayon pagbuhos ng lakas
Diyan sa maninipis, dumaraang pamplet at mga nakaiinip na miting.

Ngayon pansamantalang kasiyahan; pinagsaluhang sigarilyo;
Pagbabaraha sa makulimlim na kamalig, kinayod na kasunduan,
Mga birong-lalaki; ngayon
Nangangapa at pilit na pagyakap bago manakit.

Patay ang mga bituin; hindi kukurap ang mga hayop:
Tayo'y naiwang nag-iisa sa araw natin, at maiksi ang panahon at
Ang Kasaysayan sa mga nagapi,
Ay maaring magsabi ng Sayang!, ngunit hindi tutulong o magpapatawad.

1937, 1940

Pangil sa Hikab

5.08.2006

W.H. Auden
Museo ng Belyas Artes
[Salin: Lamaw]

Tungkol sa paghihirap, hindi sila nagkamali,
Ang mga Matandang Pintor: gaano nila naunawaan
Ang papel nito sa mundo; kung papano ito nagaganap
Habang ang isa ay kumakain o nagbubukas ng bintana o di kaya'y
bagot na naglalakad lang;
Kung papano, sa tuwing ang matatanda'y taimtim na naghihintay
Sa mahimalang pagsilang, meron laging
Mga bata na ayaw talagang mangyari ito, nag-iiskeyts
Sa lawa sa tabi ng gubat:
Hindi nila nalimutan
Na kahit na ang nakakikilabot na pagmamartir ay magaganap
Kahit-papano sa isang sulok, isang maruming lugar
Kung saan ang mga aso'y magpapatuloy sa kanilang buhay-aso at
Ang kabayo ng berdugo'y
Magkikiskis sa kanyang inosenteng pwet sa isang puno.

Sa Icarus ni Brueghel, halimbawa: kung papano ang lahat ay lumalayo
Tila dahan-dahan sa sakuna; narinig siguro ng
Nag-aararo ang salpok, ang pinabayaang sigaw,
Ngunit sa kanya'y hindi ito mahalagang kabiguan; sumikat ang araw
Tulad ng dati sa mga puting binti na lumulubog sa berdeng
Tubig; at ang magara at pinong bapor na siguro'y nakakita
Sa nakagugulat, batang nahulog mula sa himpapawid,
Ay may patutunguhang lugar at payapang naglayag.

1940

Ilang tala sa relasyunal na pananaw sa reyalidad/katotohanan












WALA TALAGANG REYALIDAD NA OBHETIBONG UMIIRAL sa labas ng mga instrumento at sa partikular na diwa ng pag-alam sa kapaligiran ng bawat kultura.
[ZAS, Liham 7/19/02 kay Bomen]

Alam natin na ang ‘totoo’ (Ferriols dahil sa pari nga siya) o ang ‘reyalidad’ (para sa agham,dahil sa pisikal at panlipunan ang tuon) ay function lamang ng Konsepto (bilang kadalumatan sa pakahulugan nitong ‘kasangkapan ng pag-alam’).
[ZAS, Liham 7/2//02 kay Bomen]


Totoong hindi magagagap ang “totoo o reyalidad” na hindi napamamagitanan ng “konsepto” bilang “instrumento ng pag-alam” ngunit nalalabuan ako sa konsepto ng FUNCTION. Nahihirapan ako rito sa palagay na “ang ‘totoo’ o ang ‘reyalidad’ ay FUNCTION lamang ng Konsepto.” Ano ang ibig sabihin nito? Galing ang ekspresyong ito sa matematika, hal., Y = 10X. Sinasabi sa ganitong pormula na Y is a function of X, kung saan ang tinatawag na “dependent variable” ay ang Y at ang “independent variable” naman ay ang X. Sa madaling salita, nakadepende ang halaga ng Y sa halaga ng X. Sa Ingles, kapag sinabing “Truth is a function of belief” ang ibig sabihin nito ay “nakasalalay ang katotohanan sa paniniwala.” Sa gayon, kung babalikan ang pangungusap sa itaas, masasabing isinasaad nito na ang “pagka-totoo” at “pagka-reyalidad”/”pag-iral” ng anumang bagay ay nakasalalay sa konsepto=kasangkapan ng pag-alam.” Hindi ba kabaligtaran dapat? Hindi ba dapat nakasalalay/nakabatay ang kawastuhan ng ating mga konsepto sa diumanong “katotohanan” o “reyalidad”?
[Bomen, Liham 7/24/02 kay ZAS]


I. "Ang p ay batay sa q." "Ang q ang dapat ibatay sa p."

y = f (x) [1]

Sa isang banda, maaaring i-simplify ang argumento sa itaas bilang parehong nakabatay sa isang pormulasyon [1] ngunit magka-iba ang mga laman ng dalawang variable: maaaring nagkabaligtaran lang.

May dalawang argumento:
1. y = f (x), kung saan,

y = ‘reyalidad’ (agham)/‘totoo’ (relihiyon)
x = Konsepto = kadalumatan = kasangkapan sa pag-alam (o instrumento + diwa ng pag-alam)

kaya,

Ang ‘reyalidad’ ay function ng Konsepto. [ZAS]

2. y = f (x), kung saan,

y = kawastuhan ng mga konsepto
x = ‘katotohanan’/’reyalidad’

kaya,

Ang kawastuhan ng ating mga konsepto ay function ng “katotohanan” o “reyalidad.” [Bomen]

May pagka-istatiko ang pormulasyong [1] na pinagbatayan ng dalawang argumento.


II. Maaaring lumitaw kapwa ang p at q mula sa dinamikong ugnayan-talaban ng ilang mga sub-elemento at entidad.

Maaaring magamit ang isa pang pormulasyong matematikal [2] upang isalarawan ang isang dinamikong relasyon ng konsepto/kadalumatan sa reyalidad/katotohanan.

dx/dt = f (x, y) [2]
dy/dt = g (x, y)

Ginamit na pormula ito ni Richard Lewontin, isang geneticist, sa kanyang klasikong kritisismo sa kadalasang interpretasyon sa Darwinistang konsepto ng “adaptasyon.” Sa popular na pagpapakahulugan ng “adaptasyon,” ang pagka-obhetibo/reyalidad ng kapaligiran ng isang organismo (environment) ay hiwalay sa dinamikong reyalidad ng organismo. Sa pormulasyon ni Lewontin, ganito ang matematika ng di-diyalektikal na ebolusyunaryung pananaw:

dO/dt = f (O, E)
dE/dt = g (E)

kung saan, O = organismo; E = kapaligiran. Ang pagbabago (d) ng organismo (mas tukma, pagbabago ng populasyon ng mga indibidwal na organismo sa daloy ng panahon) ay nakadepende sa inter-aksiyon ng organismo at kanyang kapaligiran [change of organism over time: delta O over delta t is a function of O and E]. Dito nakabatay ang tinatawag na adaptasyon. Sa ikalawang pormula sa itaas, ang pagbabago ng kapaligiran (E) sa daloy ng panahon ay resulta ng pagbabago ng mga elemento ng kapaligiran (E) rin mismo. Hindi binibigyang-diin ng pormula ang papel ng organismo sa pagbabago ng kapaligiran (umiiral na ‘reyalidad’ ng kumikilos na organismo)—i.e., ang kapaligiran ay nakapormalisa bilang abstrak, hiwalay na bagay.

Ang pormulasyong,

dO/dt = f (O, E)
dE/dt = g (O, E)

ay pagkorekta ni Lewontin sa nauna. Ipinormalisa dito ni Lewontin ang katotohanang di lamang adaptasyon (o pagsang-ayon) sa umiiral na “reyalidad” ang ginagawa ng mga organismo. Ang mga pagkilos na ginagawa ng mga orgnismo ay aktibo ring nagkokonstrak—lumilikha—ng mga bagong kaayusan. Magkatambal na adaptasyon-konstruksiyon ang talagang nangyayari (adaptation-niche construction).

Gagamitin dito ang ikalawang pormulasyon ni Lewontin sa itaas dahil may nakikita akong pagkakahawig ng pormula ni Salazar sa ideya ng niche construction (hinuhulma ng isipan/organismo ang reyalidad) at sa pormula ni Bomen sa adaptation (hinuhulma ng naririyan nang reyalidad ang isipan/organismo).

Maaaring ituring na pangatlong argumento ang malilikha batay sa pormula [2] sa itaas.

3. dx/dt = f (x, y)
dy/dt = g (x, y), kung saan,

kategorya/dalumat  kasangkapan sa pag-alam
kasangkapan sa pag-alam  kategorya/dalumat
kasangkapan sa pag-alam =  dm (d = kadalumatan, m = materyal na mga kagamitan) [materyal na “kagamitan” = (para sa tao), papel, notbuk, bolpen, libro, lapis, mikroskopyo, teleskopyo, kompyuter, internet, lupa, bato, kemikal, ang ating hominid nervous system/cognitive structure, sariling-katawan, ibang mga tao, panlipunang kalagayan (hal., class standing), iba’t ibang species,→ n. (cf. Bruno Latour)]
‘reyalidad’/‘katotohanan’ = namumuo/umiiral na kaayusan ng “mundo” ng organismo/populasyon/lipunang umaalam (tao man o di tao)

at

y = “kasangkapan sa pag-alam”
x = namumuo/umiiral na kaayusan ng “mundo”

kaya,

Ang pagbabago ng “kasangkapan sa pag-alam” ay function ng inter-aksyon ng kasangkapan sa pag-alam at umiiral na kaayusan ng mundo; at ang pagbabago ng umiiral na kaayusan ng mundo ay function pa rin ng inter-aksyon ng kasangkapan sa pag-alam at umiiral na kaayusan ng mundo. May ko-ebolusyonaryong proseso ang kasangkapan sa pag-alam at kaayusan ng mundo.

May ko-ebolusyunaryong prosesong nangyayari sa tatawagin ngayong Konsepto/Dalumat sa isang banda at Reyalidad/Katotohanan sa kabilang banda.

Produkto ng abstraksiyon ang dalawahang pagkakategorya (hal., “Konsepto” at “Reyalidad”) bilang parang mga atomistikong entidad. Hindi naman mali per se ito. Ngunit kailangang huwag kaligtaan ang relasyunal at dinamikong kondisyon ng mas marami pang mga pwersa.


III. Ang reyalidad ay (1) parang damo, at (2) isang uri ng demokrasya

Interesante, sa ganyang pormulasyon, ang depinisyon ng “reyalidad”—lalong-lalo na sa lebel ng organismo, lipunan at ekolohiya—na mahihiram kay/inspirado ni Donna Haraway, “a congealing of ways of interacting.”

Maaaring lagumin ang mga diskusyon sa itaas sa pamamagitan ng pagbibigay ngayon ng isang magagamit na depinisyon:

‘reyalidad’/katotohanan = nakasanayang paraan ng pag-uugnayan—kung saan, (1) ang mga elementong nag-uugnayan ay di lang mga tao, kundi tao at mga di-tao, at (2) ang dami ng nag-uugnayang mga entidad/kasangkapan ang nagpapalalim, nagpapalawak, at nagpapatatag nito.

May ilang bagay na mahuhugot sa ganyang klaseng depinisyon:

Una, makikita sa ganyang pakahulugan na ang reyalidad ay talagang pulitika ng kosmikong demokrasya—napapalawak o napapakitid depende sa nabubuksang partisipasyon ng mga tao at di-taong kalahok—at, kung gayon, may mga antas rin ng tunggalian at hidwaan ng mga pwersa sa proseso ng pagpapanatili/pagbabago ng namumuong istilo.

Makikita rin na walang malinis na pagkakahiwalay ng reyalidad ng isang organismo/populasyon/lipunan sa iba pang organismo/populasyon/lipunan, na parang mga incommensurable na Reyalidad A, Reyalidad B, C, D… Meron lamang mga haba, tindi, at magalaw na pagsasalabid ng mga konektadong ugat at hibla ng iisang damo. Dala ito ng pagkakaiba-iba ng porma ng ugnayan.

Panghuli, dapat salungguhitan na dahil kinikilala dito ang partisipasyon ng mga di-tao sa paglikha/muling-paglikha ng reyalidad, ang umiiral na porma ng pag-uugnayan ay lampas sa wika at pag-uusap na pang-tao. Ang pag-uugnayan ay lampas pa nga sa ugnayan ng mga may-isip/utak: maliban sa inter-subhetibong mga relasyon ng magkakaibang uri ng hayop, meron ding mga inter-obhetibong relasyon. Dahil lampas sa ‘mundo’ ng tao-at-tao, hindi hari ang wika—o isang partikular na wika—sa batas ng mas malawak na pag-uugnayan.

Puntirya Si Talon

Matthew Arnold
Baybayin ng Dover
[Salin: Lamaw]

Payapa ang dagat ngayong gabi.
Mataas ang tubig, mapusyaw ang buwan
Sa itaas ng Kipot; —sa baybayin ng Pransiya, kumikislap
Ang ilaw at nawala; ang mga talampas ng Inglatera ay matayog,
Umaandap-andap at napakalawak, sa payapang look.
Halika sa bintana, mahalimuyak ang hanging gabi!
Sa mahabang linya ng pagwisik
Kung saan nagtatagpo ang dagat at babad-buwang lupa,
Pakinggan! Maririnig mo ang kumakaskas na ungal
Ng mga batong kinakahig ng alon, at tinutulak,
Sa kanilang pagbalik, pataas sa tabing-dagat,
lumalakas, humihina, at muling lumalakas,
Sa nanginginig na ritmo'y humihina, dala
Ang walang-hanggang huni ng kalungkutan.

Noong unang panahon narinig ito
Ni Sopokles sa Aegus, at nagpaalala
Sa kanya sa magulong pagkati at pagdaloy
Ng Paghihirap ng tao; tayo'y
Nakatatagpo rin ng pag-iisip sa huning iyan
Na naririnig dito sa malayong hilagang dagat.

Ang Dagat ng Paniniwala
Ay minsan ding buo, at paikot sa dalampasigan ng mundo
Nakalatag tulad ng binalumbong pileges ng matingkad na sintas;
Ngunit ngayo'y naririnig ko na lamang
Ang kanyang kalungkutan, mahaba, umaatras na atungal,
Umuurong, sa humihingal
Na pang-gabing hangin, doon sa malalawak na hangganang mapanglaw
At mga hubad na bato ng dalampasigan.

Maging totoo sana tayo, mahal,
Sa isa't isa! sapagkat ang mundo, na kunwari'y
Nakalatag sa ating harapan tulad ng lugar ng mga pangarap,
Napakasari-sari, napakaganda, napakabago,
Ay talagang wala ni saya, ni pag-ibig, ni liwanag,
Ni katiyakan, ni kapayapaan, ni tulong sa pait;
At tayo'y narito sa madilim na kapatagan
Tangay ng malalabong sigaw ng tunggalia't pagtakas
Ng mga litong kawal sa gabi ng digmaan.

1867

Maunawaan Kaya Ni Talon Si Ginsberg?

Allen Ginsberg
Amerika
[Salin: Lamaw]

Amerika binigay ko sa'yo lahat at ngayon ako'y wala.
Amerika dos dolares at beintesiyete sintimos Enero 17, 1956.
Ang bigat ng aking isipan.
Amerika kaylan natin tapusin itong giyerang mortal?
Sige kantutin ang sarili ng iyong bomba atomika.
Wala ako sa kondisyon huwag mang-istorbo.
Hindi ako magsusulat ng tula hangga't wala ako sa tamang pag-iisip.
Amerika kaylan ka magiging mala-anghel?
Kaylan mo huhubarin ang iyong kasuutan?
Kaylan mo titingnan ang sarili sa loob ng libingan?
Kaylan ka magiging karapat-dapat sa napakarami mong komunista?
Amerika bakit ba puno ng luha ang iyong mga Librarya?
Amerika kaylan mo ipapadala sa Indiya ang iyong mga bayag?
Sawa na ako sa iyong mga baliw na utos.
Kaylan pa ba ako makakapag-shopping at mang-groseri gamit ang aking
maamong mukha?
Amerika kung tutuusi'y ikaw at ako naman talaga ang perpekto at 'di ang katabing mundo.
Sobra-sobra sa akin ang iyong makinarya.
Nais mo akong maging santo.
Dapat may paraan upang maayos itong argumento.
Si Burroughs ay nasa Tangiers at palagay ko'y 'di na babalik ito'y nakakatakot.
Nananakot ka ba o ito ba'y isang praktikal na biro?
Nais kong maging diretsa.
Hindi ko isusuko ang aking obsesyon.
Amerika magtigil ka alam ko ang aking ginagawa.
Amerika nahuhulog na ang bunga ng sirwelas.
Ilang buwan nang hindi ko nababasa ang pahayagan, araw-araw may nililitis
dahil sa pagpatay.
Amerika nagsisentimental ako sa mga Wobbly.
Amerika dati akong Komunista noong ako'y bata hindi ako nagsisisi.
Naninigarilyo ng marijuana kung minsan.
Nakaupo ilang araw sa bahay tinititigan ang mga rosas sa loob ng aparador.
Kung ako'y makapuntang Chinatown naglalasing ako at hindi napapatungan.
Kumbinsido akong may darating na gulo.
Nakita mo sana akong binabasa si Marx.
Ang sikoanalista ko'y nagsabing ako'y walang problema.
Hindi ako mananalangin ng Ama Namin.
Meron akong mistikal na pangitain at kosmikong panginginig.
Amerika hindi ko pa nasabi sa 'yo kung anong ginawa mo kay Uncle Max noong
bumalik siya mulang Rusya

Kinakausap kita.
Papayagan mo bang imaneho ng Time Magazine ang iyong buhay?
Ang ulo ko'y puno ng Time Magazine.
Linggo-linggo ko itong binabasa.
Tumititig sa akin ang kanyang mga pabalat tuwing ako'y makadaan sa mga tindahan.
Binabasa ko ito sa basement ng Berkeley Public Library.

Lagi nitong pinapaalala ang responsibilidad. Seryoso ang mga negosyante.
Seryoso ang mga producer ng pelikula. Lahat seryoso pwera ako.
Naisip kong ang Amerika'y ako.
Kinakausap ko na naman ang sarili.

Nag-aalsa ang Asya laban sa akin.
Wala akong tsansang Tsino.
Aatupagin ko na lang ang aking pambansang yaman.
Ito'y binubuo ng dalawang joint ng marijuana milyon-milyong ari isang di-napalimbag
na pribadong literatura na tumatakbo ng 1400 milya kada oras at
dalawampu't limang libong mental hospital.
Hindi ko na nilakip dito ang aking mga piitan o mga milyon-milyong mahihirap na
naninirahan sa mga paso sa ilalim ng init ng limang-daang araw.
Sinara ko na ang mga bahay-puta ng Pransiya, susunod ang Tangiers.
Inaambisyon kong maging Presidente kahit ako'y Katoliko.

Amerika papano ba ako makapagsulat ng banal na litanya sa ganitong
walang-silbing kalagayan mo?
Magpapatuloy akong tulad ni Henry Ford ang mga taludtod ko'y natatangi
tulad ng kanyang mga awtomobil dagdag pa lahat sila'y may ibat-ibang kasarian.
Amerika pagbibilhan kita ng mga taludtod sa halagang $2500 kada isa
mababa ng $500 sa luma mong berso.
Amerika palayain si Tom Mooney.
Amerika iligtas ang mga sosyalistang ginigipit ni Hen. Franco.
Amerika hindi dapat mabitay sina Sacco at Vanzetti.
Amerika ako ang mga kabataang Scottsboro.
Amerika noong ako'y pito dinala ako ng inay sa mga miting ng mga grupong Komunista
pinagbilhan nila kami ng garbanzos sandakot kada tiket isang nikel kada tiket at
ang bawat talumpati ay libre lahat ay nagsi-sentimental at ipinagmamalaki ang
mga manggagawa lahat ng 'yon ay taos-puso hindi mo maiintindihan gaano
kalaking bagay ang partido noong 1835 pinaka-respetadong matanda si Scott
Nearing isang totoong Tao pinaiyak ako ni Mother Bloor nakita ko minsan sa
malapitan si Israel Amter. Lahat siguro'y puro espiya.
Amerika hindi mo talaga gustong pasukin ang giyera.
Amerika sila 'yon mga masamang Ruso.
Sila mga Ruso sila mga Ruso at sila mga Tsino. At sila mga Ruso.
Ang Rusya ay gusto tayong kainin ng buhay. Ang Rusya'y baliw sa kapangyarihan.
Nais n'yang kunin ang ating mga awto sa ating mga garahe.
Siyang babae nais dukutin ang Chicago. Siyang babae kailangan ng Reader's Digest.
Siyang babae nais kunin ang ating mga planta ng awto sa Siberia.
Siyang lalaki ang malaking burukrasyang nagpapatakbo ng ating mga gasolinahan.
Iyan 'di maganda. Pwe. Siyang lalaki tinuturuang bumasa ang mga katutubo. Siyang lalaki
nag-oorganisa ng mga malalaki maiitim na mga nigger. Hah. Siyang babae
pinapatrabaho tayo disiseis oras araw-araw. Tulong.
Amerika ito'y seryoso.
Amerika ito ang nakuha ko sa panonood ng telebisyon.
Amerika totoo ba ito?
Mabuti pa'y aatupagin ko na ang trabaho.
Totoo hindi ko gustong sumali sa Kasundaluhan o magpaandar ng mga makina sa mga
paktorya, sabagay ako nama'y may malabong mata at psychopathic.
Amerika ilalagay ko ang aking kakaibang balikat sa manibela.

1956

Tungaw at Talon

Giuseppe Ungaretti
Bayan ng San Martin
[Salin: Lamaw]

Sa mga kabahayang ito'y
walang natira
kundi mga kalansay na kahoy

Ang iilan ding
mga dating kakilala
walang naiwan
wala ni isa

Ngunit sa puso ko'y
nakabaun lahat ng krus

Ang puso ko ang
pinakabugbog na bayan.

[Batay sa saling Ingles ni Glauco Cambon sa orihinal na Italyano.]

Hele ni Pete Seeger Kay Talon

Dylan Thomas
Sa Aking Lilok O Madilim Na Likha
[Salin: Lamaw]

Sa aking lilok o madilim na likha
Na pinagpaguran sa tahimik na gabi
Habang tanging buwan ang nagbabaga sa poot
At nasa higaan ang mga nag-iibigan
Yakap ang lahat nilang hapis,
Naglalamay ako sa tabi ng umaawit na ilaw
Hindi para sa ambisyon o sa tinapay
O sa yabang at negosyo ng panghalina
Sa entabladong garing
Kundi para sa karaniwang sahod
Ng kanilang pinakatagong loob.

Hindi para sa mga hambog na hiwalay
Sa nagngangalit na buwan ako nagsusulat
Sa mga papel na winiwisik ng alon
O sa nagtatayugang patay
Kasama ang mga tagapuri at salmo
Kundi para sa mga nag-iibigan, yapos
Sa bisig ang hapis ng kasaysayan,
Na walang papuri o bayad
O pakialam sa aking lilok o likha.

1946

Kyuryos Si Talon Kay Allen Ginsberg

William Butler Yeats
Ang Ikalawang Pagdating
[Salin: Lamaw]

Paikot-ikot sa papalawak na likaw
Hindi marinig ng lawin ang mangangaso;
Bumigay ang mga bagay; lumpo ang sentro;
Tanging gulo ang kumawala sa mundo,
Bumulwak ang kulay-dugong alon, at saanman
Lumubog ang seremonya ng kawalang sala;
Nawalan ng loob ang magagaling, habang ang mahihina
Ay puno ng masidhing pagnanasa.

Tiyak, malapit na ang pagbubunyag;
Tiyak, malapit na ang ikalawang pagdating.
Ikalawang pagdating! Halus 'di pa ito nabigkas
At ako'y ginambala na ng dambuhalang pangitain
Ng Spiritus Mundi: sa isang sulok ng disyerto
Isang nilalang na may katawan ng liyon at ulo ng tao,
Mata'y blangko at may poot ng araw,
Ang dahan-dahang ginagalaw ang mga paa, habang sa palibot niya
Sumusuray-suray ang anino ng mga galit na ibong disyerto.
Bumalik na naman ang kadiliman; ngunit ngayo'y alam ko na
Na dalawampung siglo ng tila batong pagkatulog
Ay ginulo sa bangungunot ng isang duyan,
At anong magaslaw na halimaw, panahon n'ya na sa wakas,
Ang yumuyukyok patungong Betlehem upang isilang?

1921

Abala Sa Kompyuter, Tinira Ni Tungaw Si Lamaw

George Macbeth
Manuel
[Salin: Lamaw]

Dumating kay Manuel
na kung siya'y isang gulay, pipiliin n'yang
maging patani. Hindi 'yong
payat, ordinaryong
bataw, o 'yang

manipis mong
sitaw. Hindi, siya'y magiging
isang malaking patani,
mayaman, masustansiya,
makahulugang patani,

alisto sa bentahe
mausisa sa patatas
humahalo sa ano mang uri
at kalagayan ng gulay,
mabait na kaibigan

ng serbesa at karne. Oo, siya'y
tatalon mula sa kanyang malaki
at magaspang na pabalat
alisto
papuntang kawali: laging

nasa kumukulong tubig
at lalabas na may malambot
na puso sa loob
ng makalyo n'yang balat.
Kakargahin n'ya ang lahat

ng gutom ng mundo
sa kanyang malawak na balikat, makintab
sa masarap na mantikilya
o kulay-kape sa sarsa. At kung
may mga katutubong gutom na makakita

Sa kanyang dumudugong balat
kung ang abuha'y pinapaapoy na
o siya'y hinihiwa na
tatanggapin n'ya ang parangal at mga panalangin,
magiging isang Diyos, At tao sa tapang,

na, sa takbo ng mga bagay, hindi madaling gawin.

1968