5.08.2006

Allen Ginsberg
Amerika
[Salin: Lamaw]

Amerika binigay ko sa'yo lahat at ngayon ako'y wala.
Amerika dos dolares at beintesiyete sintimos Enero 17, 1956.
Ang bigat ng aking isipan.
Amerika kaylan natin tapusin itong giyerang mortal?
Sige kantutin ang sarili ng iyong bomba atomika.
Wala ako sa kondisyon huwag mang-istorbo.
Hindi ako magsusulat ng tula hangga't wala ako sa tamang pag-iisip.
Amerika kaylan ka magiging mala-anghel?
Kaylan mo huhubarin ang iyong kasuutan?
Kaylan mo titingnan ang sarili sa loob ng libingan?
Kaylan ka magiging karapat-dapat sa napakarami mong komunista?
Amerika bakit ba puno ng luha ang iyong mga Librarya?
Amerika kaylan mo ipapadala sa Indiya ang iyong mga bayag?
Sawa na ako sa iyong mga baliw na utos.
Kaylan pa ba ako makakapag-shopping at mang-groseri gamit ang aking
maamong mukha?
Amerika kung tutuusi'y ikaw at ako naman talaga ang perpekto at 'di ang katabing mundo.
Sobra-sobra sa akin ang iyong makinarya.
Nais mo akong maging santo.
Dapat may paraan upang maayos itong argumento.
Si Burroughs ay nasa Tangiers at palagay ko'y 'di na babalik ito'y nakakatakot.
Nananakot ka ba o ito ba'y isang praktikal na biro?
Nais kong maging diretsa.
Hindi ko isusuko ang aking obsesyon.
Amerika magtigil ka alam ko ang aking ginagawa.
Amerika nahuhulog na ang bunga ng sirwelas.
Ilang buwan nang hindi ko nababasa ang pahayagan, araw-araw may nililitis
dahil sa pagpatay.
Amerika nagsisentimental ako sa mga Wobbly.
Amerika dati akong Komunista noong ako'y bata hindi ako nagsisisi.
Naninigarilyo ng marijuana kung minsan.
Nakaupo ilang araw sa bahay tinititigan ang mga rosas sa loob ng aparador.
Kung ako'y makapuntang Chinatown naglalasing ako at hindi napapatungan.
Kumbinsido akong may darating na gulo.
Nakita mo sana akong binabasa si Marx.
Ang sikoanalista ko'y nagsabing ako'y walang problema.
Hindi ako mananalangin ng Ama Namin.
Meron akong mistikal na pangitain at kosmikong panginginig.
Amerika hindi ko pa nasabi sa 'yo kung anong ginawa mo kay Uncle Max noong
bumalik siya mulang Rusya

Kinakausap kita.
Papayagan mo bang imaneho ng Time Magazine ang iyong buhay?
Ang ulo ko'y puno ng Time Magazine.
Linggo-linggo ko itong binabasa.
Tumititig sa akin ang kanyang mga pabalat tuwing ako'y makadaan sa mga tindahan.
Binabasa ko ito sa basement ng Berkeley Public Library.

Lagi nitong pinapaalala ang responsibilidad. Seryoso ang mga negosyante.
Seryoso ang mga producer ng pelikula. Lahat seryoso pwera ako.
Naisip kong ang Amerika'y ako.
Kinakausap ko na naman ang sarili.

Nag-aalsa ang Asya laban sa akin.
Wala akong tsansang Tsino.
Aatupagin ko na lang ang aking pambansang yaman.
Ito'y binubuo ng dalawang joint ng marijuana milyon-milyong ari isang di-napalimbag
na pribadong literatura na tumatakbo ng 1400 milya kada oras at
dalawampu't limang libong mental hospital.
Hindi ko na nilakip dito ang aking mga piitan o mga milyon-milyong mahihirap na
naninirahan sa mga paso sa ilalim ng init ng limang-daang araw.
Sinara ko na ang mga bahay-puta ng Pransiya, susunod ang Tangiers.
Inaambisyon kong maging Presidente kahit ako'y Katoliko.

Amerika papano ba ako makapagsulat ng banal na litanya sa ganitong
walang-silbing kalagayan mo?
Magpapatuloy akong tulad ni Henry Ford ang mga taludtod ko'y natatangi
tulad ng kanyang mga awtomobil dagdag pa lahat sila'y may ibat-ibang kasarian.
Amerika pagbibilhan kita ng mga taludtod sa halagang $2500 kada isa
mababa ng $500 sa luma mong berso.
Amerika palayain si Tom Mooney.
Amerika iligtas ang mga sosyalistang ginigipit ni Hen. Franco.
Amerika hindi dapat mabitay sina Sacco at Vanzetti.
Amerika ako ang mga kabataang Scottsboro.
Amerika noong ako'y pito dinala ako ng inay sa mga miting ng mga grupong Komunista
pinagbilhan nila kami ng garbanzos sandakot kada tiket isang nikel kada tiket at
ang bawat talumpati ay libre lahat ay nagsi-sentimental at ipinagmamalaki ang
mga manggagawa lahat ng 'yon ay taos-puso hindi mo maiintindihan gaano
kalaking bagay ang partido noong 1835 pinaka-respetadong matanda si Scott
Nearing isang totoong Tao pinaiyak ako ni Mother Bloor nakita ko minsan sa
malapitan si Israel Amter. Lahat siguro'y puro espiya.
Amerika hindi mo talaga gustong pasukin ang giyera.
Amerika sila 'yon mga masamang Ruso.
Sila mga Ruso sila mga Ruso at sila mga Tsino. At sila mga Ruso.
Ang Rusya ay gusto tayong kainin ng buhay. Ang Rusya'y baliw sa kapangyarihan.
Nais n'yang kunin ang ating mga awto sa ating mga garahe.
Siyang babae nais dukutin ang Chicago. Siyang babae kailangan ng Reader's Digest.
Siyang babae nais kunin ang ating mga planta ng awto sa Siberia.
Siyang lalaki ang malaking burukrasyang nagpapatakbo ng ating mga gasolinahan.
Iyan 'di maganda. Pwe. Siyang lalaki tinuturuang bumasa ang mga katutubo. Siyang lalaki
nag-oorganisa ng mga malalaki maiitim na mga nigger. Hah. Siyang babae
pinapatrabaho tayo disiseis oras araw-araw. Tulong.
Amerika ito'y seryoso.
Amerika ito ang nakuha ko sa panonood ng telebisyon.
Amerika totoo ba ito?
Mabuti pa'y aatupagin ko na ang trabaho.
Totoo hindi ko gustong sumali sa Kasundaluhan o magpaandar ng mga makina sa mga
paktorya, sabagay ako nama'y may malabong mata at psychopathic.
Amerika ilalagay ko ang aking kakaibang balikat sa manibela.

1956

0 Comments:

Post a Comment

<< Home