5.18.2006

Etolohiya: Paglambitin

William Butler Yeats
Si Lidya ug ang Langgam
[Salin: Lamaw/Tungaw]

Kalit nga bugno: nagkapa-kapa pa ang haring pako
Nagpatong sa nakuratang babayi, mga paa giapuhap
Sa itom nga mga tudlo sa langgam, liog gituhak
Wa na'y lingkawas, gunit sya dughan sa dughan.

Unsaon man pagtulod sa nagtuskig nagkurog nga mga tudlo
Niining balhibuong himaya sa iyang nagbukaka nang mga paa.
Ug unsa ma'y mahimo, giduon sa haring kusog,
Niining lawasa kund'i paminawon ang pinitik sa istrangherong dughan?

Usa ka pagkurog tumoy sa paa maoy magpugas
Ug buak nga padir, tore ug atup nga nagdilaab
Ug mamatay gyud si Agememnon.

Tungod sa paglangkob,
Sa pagdang-ag sa mabangisung dugo sa wanang,
Nalabnot kaha sa babayi ang kaalam ug gahum
Sa wa pa sya buhii niadtong wa na'y panumbaling nga tuhak?

1924, 1928
William Butler Yeats
Si Leda at ang Ibon
[Salin: Lamaw/Tungaw]

Biglaang salpok: kumakapa pa ang mga makapangyarihang pakpak
Papatong sa gulantang na babae, kanyang mga hita'y haplos
Ng maiitim na kamay ng ibon, batok ay tuka
Humihina ang pagpupumiglas, hawak siya dibdib sa dibdib.

Papano itutulak ng kinikilabuta't nanginginig na mga daliri
Itong mabalahibong kaluwalhatian sa kanyang bumubukang hita?
At papano tutugon, diin nitong makapangyarihang dagok,
Itong katawan kundi damhin ang tibok ng estrangherong dibdib?

Isang panginginig sa tuktok ng hita'y magbibinhi
Ng wasak na pader, tore't bubong na umaapoy
At si Agamemnon ay mamamatay.

Dala ng pagsaklaw,
Ng pangingibabaw ng mabangis na dugo ng himpapawid,
Nasungkit kaya ng babae ang kaalama't lakas
Bago siya binitiwan ng wala nang pakialam na tuka?

1924, 1928
WH Auden
Ihimlay Ang Iyong Tulog Na Ulo, Mahal Ko
[Salin: Lamaw]

Ihimlay ang iyong tulog na ulo, mahal ko
Tao sa aking taksil na braso;
Sinusunog ng panahon at mga lagnat
Ang kanya-kanyang ganda
Ng mga mapag-isip na bata, at ang libinga'y
Magpapatunay na kabataa'y panandalian:
Ngunit dito sa aking bisig hanggang sa pagputok ng araw
Hayaang humimlay itong buhay na nilalang,
Mortal, makasalanan, ngunit sa akin
Ang ganap na kagandahan.

Kaluluwa at katawan ay walang mga hangganan:
Para sa mga nag-iibigang nakahimlay
Sa kanyang mapagpaubaya't mahiwagang duyan
Sa kanilang mga karaniwang pagkahimatay,
Mabigat ang mga larawang padala ni Venus
Tungkol sa kahima-himalang damdamin,
Sangkalawakang pagmamahal at pag-asa;
Habang itong abstaktong kabatira'y sasalpok
Sa mga kimpal na yelo at naglalakihang mga bato
Nag-aapoy na hilig-laman ng ermitanyo.

Katiyakan, katapatan
Sa pagpihit ng hating-gabi, lumilipas
Tulad ng panginginig ng kampana,
At ang mga sunod-sa-modang loko-loko'y nagpapataasan
Ng kanilang marurunong nakaiinip na mga sigaw:
Bawat sintimo ng halaga,
Hula ng lahat ng kinatatakutang baraha,
Ay pagbabayaran, ngunit sa gabing ito
Wala ni bulong, ni isip,
Ni halik o tingin ay mawawala.

Kagandahan, hating-gabi, mga pangarap mamamatay:
Hayaang ang hangin ng bukang-liwayway dumamping
Maamo palibot sa iyong nananaginip na ulo
Ipakita itong araw ng tamis
Ang mata at kumakatok na puso nawa ay basbasan,
Makitang sapat na itong mundong mortal;
Ang mga tanghali ng pagkatigang ay makita kang busog
Sa mga bumubukal na lakas,
Ang mga gabi ng insulto'y pabayaan kang dumaan
Bantay ng bawat mortal na pagmamahal.

1940

5.16.2006

Etolohiya: Pagpapainit-sa-araw

Ted Hughes
Teolohiya
[Salin: Lamaw]

Hindi, hindi inakit ng ahas
Si Eba sa mansanas.
Lahat n'yan ay simpleng
Pagbaliktad sa katotohanan.

Kinain ni Adan ang mansanas.
Kinain ni Eba si Adan.
Kinain ng ahas si Eba.
Ito ang madilim na bituka.

Samantala, dinuduyan ng ahas
Ang bundat na tiyan sa Paraiso—
Ngumingiting pinapakinggan
Sigaw ng Maylikha.

1967

5.14.2006

Etolohiya: Pagpatong

William Wordsworth
Mga Linyang
Sinulat malapit sa Monasteryo ng Tintern
Sa Pagbisitang-muli sa Pampang ng Wye
Sa isang Paglalakbay. Ika-13 ng hulyo, 1798
[Salin: Lamaw]

(Bahagi)

Ang panahong iya'y lumipas na,
At lahat nitong malikot na saya ngayo'y wala na,
Lahat ng nakahihilong tuwa; iba pang bagay
Ang pumalit; kapalit ng kawalan, tingin ko'y
Umaapaw na kabayaran. Dahil natutunan ko nang
Tingnan ang kalikasan, di na tulad noon
Sa aking pabayang kabataan; ngayo'y madalas nang naririnig
Ang mahina, malungkuting musika ng sangkatauhan,
Walang malakas na kaskas, ngunit may hustong lakas
Na pumarusa't sumupil. At ako'y nakaramdam
Ng paghipo na bumulabog sa akin ng saya
Ng malalalim na isip; makapangyarihang pandama
Na humahalong buo at pumupuno,
Na naninirahan sa sinag ng lumulubog na araw,
Sa dulo ng dagat, sa buhay na hangin,
Sa asul na kalawakan, at sa loob ng isipan:
Isang galaw at isang kaluluwa, na tumutulak
sa lahat ng bagay na nag-iisip, lahat ng iniisip,
at gumugulong sa lahat. Kayat ako'y patuloy
Na umiibig sa parang, sa gubat,
at kabundukan; at lahat ng nakikita
Dito sa luntiang mundo; sa makapangyarihang mundo
Ng paningin, at pandinig—kapwa ang bahaging nilikha
At bahaging nakita; natutuwang makita
Sa kalikasan at sa wika ng pandama
Ang angkla ng aking ganap na isipan, tagapag-alaga,
Patnubay, tagabantay ng kalooban, at kaluluwa
Ng buong pagkatao.

1798