5.14.2006

William Wordsworth
Mga Linyang
Sinulat malapit sa Monasteryo ng Tintern
Sa Pagbisitang-muli sa Pampang ng Wye
Sa isang Paglalakbay. Ika-13 ng hulyo, 1798
[Salin: Lamaw]

(Bahagi)

Ang panahong iya'y lumipas na,
At lahat nitong malikot na saya ngayo'y wala na,
Lahat ng nakahihilong tuwa; iba pang bagay
Ang pumalit; kapalit ng kawalan, tingin ko'y
Umaapaw na kabayaran. Dahil natutunan ko nang
Tingnan ang kalikasan, di na tulad noon
Sa aking pabayang kabataan; ngayo'y madalas nang naririnig
Ang mahina, malungkuting musika ng sangkatauhan,
Walang malakas na kaskas, ngunit may hustong lakas
Na pumarusa't sumupil. At ako'y nakaramdam
Ng paghipo na bumulabog sa akin ng saya
Ng malalalim na isip; makapangyarihang pandama
Na humahalong buo at pumupuno,
Na naninirahan sa sinag ng lumulubog na araw,
Sa dulo ng dagat, sa buhay na hangin,
Sa asul na kalawakan, at sa loob ng isipan:
Isang galaw at isang kaluluwa, na tumutulak
sa lahat ng bagay na nag-iisip, lahat ng iniisip,
at gumugulong sa lahat. Kayat ako'y patuloy
Na umiibig sa parang, sa gubat,
at kabundukan; at lahat ng nakikita
Dito sa luntiang mundo; sa makapangyarihang mundo
Ng paningin, at pandinig—kapwa ang bahaging nilikha
At bahaging nakita; natutuwang makita
Sa kalikasan at sa wika ng pandama
Ang angkla ng aking ganap na isipan, tagapag-alaga,
Patnubay, tagabantay ng kalooban, at kaluluwa
Ng buong pagkatao.

1798

0 Comments:

Post a Comment

<< Home