5.09.2006

W.H. Auden
Espanya 1937
[Salin: Lamaw]

Kahapon lahat ng nakalipas. Ang wika ng lawak
Na kumakalat hanggang Tsina padaan sa ruta ng kalakalan; hiraman
Ng abakus at ng kromlek;
Kahapon pagtantiya ng oras sa ilalim ng araw.

Kahapon pagtantiya ng kasiguruhan sa baraha,
Paghuhula sa tubig; kahapon pag-imbento
Ng mga gulong ng karwahe at mga relo, pag-papaamo ng
Mga kabayo; kahapon maliksing mundo ng mga nabigante.

Kahapon pagtakwil sa mga engkanto at tikbalang;
Muog tulad ng walang-tinag na agilang tumititig sa lambak,
Kapilyang tinayo sa gitna ng gubat;
Kahapon paglilok ng mga anghel at mga nakatatakot na gargola.
Paglitis sa mga erehes sa ilalim ng mga haliging bato;
Kahapon mga debate sa relihiyon sa mga tambayan
At mahimalang pag-galing sa may bukal;
Kahapon Linggo ng mga Aswang. Ngunit ngayon tunggalian.

Kahapon pagtatayo ng mga dinamo at turbina;
Pag-gawa ng mga daang-bakal sa kolonyal na disyerto;
Kahapon klasikong lektura
Tungkol sa pinagmulan ng Tao. Ngunit ngayon tunggalian.

Kahapon paniniwala sa absolutong halaga ng Griyego;
Pagbaba ng kurtina sa pagkamatay ng bida;
Kahapon dasal sa paglubog ng araw,
At pagsamba sa mga baliw. Ngunit ngayon tunggalian.

Habang bumubulong ang makata, gulat sa piling ng mga puno ng pino
O, kung saan kumakanta ang malawak na talon, matatag, o tuwid
Sa matarik na bato sa tabi ng tumagilid na tore:
"O, aking paningin. Ay, ibigay sa akin ang suwerte ng mandaragat."

At sumisilip sa kanyang mga instrumento ang imbestigador
Sa mga di-makataong lalawigan, sa mabagsik na mikrobyo
O dambuhalang tinapos ni Jupiter:
"Ngunit ang buhay ng aking mga kaibigan. Inuusisa ko, inuusisa."

At ang mga pobreng nasa kanilang magiginaw na kubo, gulat
Sa narinig na balita: "Isang kamalasan ang araw natin. Ay, ipakita sa amin
Ang Kasaysayan bilang tagapag-paandar, ang
Tagapag-ayos, ang panahon bilang nakabubusog na ilog."

At inipon ng mga bansa ang bawat sigaw, tinawag ang buhay
Na humuhulma sa bawat tiyan at inutusan
ang pang-gabing sindak ng bawat isa:
"Hindi ba minsa'y natagpuan mo ang lungsod ng espongha
"Itinayo ang malawak na emperyong militar ng pating
At ng tigre, pinatag ang matapang na distrito ng maya?
Pumagitna. Ay, bumaba na parang kalapati o
Isang galit na ama, o maamong inhenyero: basta bumaba."

At ang buhay, kung sasagot man ito, sasagot mula sa puso
Mata at baga, mula sa mga tindaha't plasa ng lungsod:
"Ay, hindi, hindi ako ang Tagamaneho,
Hindi ngayon, hindi para sa'yo. Para sa'yo ako ang

"Taong-oo, ang kasa-kasama sa bar, ang madaling-lokohin:
Ako ang kung ano'ng gawin mo; ako ang iyong pangakong
Magpakabait, ang iyong nakatatawang kuwento;
Ako ang iyong boses ng negosyo; ako ang iyong kasal.

"Ano ba'ng gusto mo? Itayo ang makatarungang bayan? Sige.
Sang-ayon ako. O ito ba ang usapang magbigti, ang romantikong
Kamatayan? Okey, sang-ayon ako, dahil
Ako ang bagay na iyong pipiliin, ang iyong desisyon: Oo, ang Espanya."

Marami ang nakarinig n'yan sa malalayong peninsula,
Sa mga antok na kapatagan, sa mga isla ng mga ligaw na mangingisda,
Sa tiwaling puso ng lungsod;
Nakarinig at dumayo na parang mga tagak o mga buto ng bulaklak.

Sila'y kumapit na parang tinik sa mga matutuling bus na gumigiwang
Sa mga balikukong kalupaan, sa gabi, sa tanel ng kabundukang alp;
Nagpatianod sila sa karagatan;
Nilakbay ang mga daan ng kabundukan: pumarito upang ihandog ang buhay.

Dito sa tuyong kapatagan, sa kapirasong tipak ng mainit
Na Aprika, magaspang na sinolda sa mapag-imbentong Europa,
Dito sa lupaing ginuhitan ng mga ilog,
Ang nagbabantang anyo ng aming lagnat ay tiyak at buhay.

Bukas, baka, maliwanag na hinaharap: pananaliksik sa pagod
At sa galaw ng mga kargador; unti-unting pagtuklas sa lahat ng
Oktaba ng pagsinag;
Bukas pagpapalawak ng isip sa pamamagitan ng disiplinadong pagkain at paghinga.

Bukas muling-pagtuklas sa romantikong pag-ibig;
Paglilitrato sa mga uwak; lahat ng saya sa ilalim
Ng magaling na pagsukob ng Kalayaan;
Bukas araw ng hari-ng-palabas at ng musikero.

Bukas, para sa kabataan, mga makatang nagsasabugang parang bomba,
Pamamasyal sa tabi ng lawa, perpektong pagsasalo sa taglamig;
Bukas karera ng bisikleta
Sa mga arabal sa mabituing gabi: Ngunit ngayon tunggalian.

Ngayon di-maiwasang pagtaas ng tsansa ng kamatayan;
Mulat na pag-ako ng kasalanan sa katotohanan ng pagpatay;
Ngayon pagbuhos ng lakas
Diyan sa maninipis, dumaraang pamplet at mga nakaiinip na miting.

Ngayon pansamantalang kasiyahan; pinagsaluhang sigarilyo;
Pagbabaraha sa makulimlim na kamalig, kinayod na kasunduan,
Mga birong-lalaki; ngayon
Nangangapa at pilit na pagyakap bago manakit.

Patay ang mga bituin; hindi kukurap ang mga hayop:
Tayo'y naiwang nag-iisa sa araw natin, at maiksi ang panahon at
Ang Kasaysayan sa mga nagapi,
Ay maaring magsabi ng Sayang!, ngunit hindi tutulong o magpapatawad.

1937, 1940

0 Comments:

Post a Comment

<< Home