5.08.2006

Matthew Arnold
Baybayin ng Dover
[Salin: Lamaw]

Payapa ang dagat ngayong gabi.
Mataas ang tubig, mapusyaw ang buwan
Sa itaas ng Kipot; —sa baybayin ng Pransiya, kumikislap
Ang ilaw at nawala; ang mga talampas ng Inglatera ay matayog,
Umaandap-andap at napakalawak, sa payapang look.
Halika sa bintana, mahalimuyak ang hanging gabi!
Sa mahabang linya ng pagwisik
Kung saan nagtatagpo ang dagat at babad-buwang lupa,
Pakinggan! Maririnig mo ang kumakaskas na ungal
Ng mga batong kinakahig ng alon, at tinutulak,
Sa kanilang pagbalik, pataas sa tabing-dagat,
lumalakas, humihina, at muling lumalakas,
Sa nanginginig na ritmo'y humihina, dala
Ang walang-hanggang huni ng kalungkutan.

Noong unang panahon narinig ito
Ni Sopokles sa Aegus, at nagpaalala
Sa kanya sa magulong pagkati at pagdaloy
Ng Paghihirap ng tao; tayo'y
Nakatatagpo rin ng pag-iisip sa huning iyan
Na naririnig dito sa malayong hilagang dagat.

Ang Dagat ng Paniniwala
Ay minsan ding buo, at paikot sa dalampasigan ng mundo
Nakalatag tulad ng binalumbong pileges ng matingkad na sintas;
Ngunit ngayo'y naririnig ko na lamang
Ang kanyang kalungkutan, mahaba, umaatras na atungal,
Umuurong, sa humihingal
Na pang-gabing hangin, doon sa malalawak na hangganang mapanglaw
At mga hubad na bato ng dalampasigan.

Maging totoo sana tayo, mahal,
Sa isa't isa! sapagkat ang mundo, na kunwari'y
Nakalatag sa ating harapan tulad ng lugar ng mga pangarap,
Napakasari-sari, napakaganda, napakabago,
Ay talagang wala ni saya, ni pag-ibig, ni liwanag,
Ni katiyakan, ni kapayapaan, ni tulong sa pait;
At tayo'y narito sa madilim na kapatagan
Tangay ng malalabong sigaw ng tunggalia't pagtakas
Ng mga litong kawal sa gabi ng digmaan.

1867

0 Comments:

Post a Comment

<< Home