5.08.2006

Ilang tala sa relasyunal na pananaw sa reyalidad/katotohanan












WALA TALAGANG REYALIDAD NA OBHETIBONG UMIIRAL sa labas ng mga instrumento at sa partikular na diwa ng pag-alam sa kapaligiran ng bawat kultura.
[ZAS, Liham 7/19/02 kay Bomen]

Alam natin na ang ‘totoo’ (Ferriols dahil sa pari nga siya) o ang ‘reyalidad’ (para sa agham,dahil sa pisikal at panlipunan ang tuon) ay function lamang ng Konsepto (bilang kadalumatan sa pakahulugan nitong ‘kasangkapan ng pag-alam’).
[ZAS, Liham 7/2//02 kay Bomen]


Totoong hindi magagagap ang “totoo o reyalidad” na hindi napamamagitanan ng “konsepto” bilang “instrumento ng pag-alam” ngunit nalalabuan ako sa konsepto ng FUNCTION. Nahihirapan ako rito sa palagay na “ang ‘totoo’ o ang ‘reyalidad’ ay FUNCTION lamang ng Konsepto.” Ano ang ibig sabihin nito? Galing ang ekspresyong ito sa matematika, hal., Y = 10X. Sinasabi sa ganitong pormula na Y is a function of X, kung saan ang tinatawag na “dependent variable” ay ang Y at ang “independent variable” naman ay ang X. Sa madaling salita, nakadepende ang halaga ng Y sa halaga ng X. Sa Ingles, kapag sinabing “Truth is a function of belief” ang ibig sabihin nito ay “nakasalalay ang katotohanan sa paniniwala.” Sa gayon, kung babalikan ang pangungusap sa itaas, masasabing isinasaad nito na ang “pagka-totoo” at “pagka-reyalidad”/”pag-iral” ng anumang bagay ay nakasalalay sa konsepto=kasangkapan ng pag-alam.” Hindi ba kabaligtaran dapat? Hindi ba dapat nakasalalay/nakabatay ang kawastuhan ng ating mga konsepto sa diumanong “katotohanan” o “reyalidad”?
[Bomen, Liham 7/24/02 kay ZAS]


I. "Ang p ay batay sa q." "Ang q ang dapat ibatay sa p."

y = f (x) [1]

Sa isang banda, maaaring i-simplify ang argumento sa itaas bilang parehong nakabatay sa isang pormulasyon [1] ngunit magka-iba ang mga laman ng dalawang variable: maaaring nagkabaligtaran lang.

May dalawang argumento:
1. y = f (x), kung saan,

y = ‘reyalidad’ (agham)/‘totoo’ (relihiyon)
x = Konsepto = kadalumatan = kasangkapan sa pag-alam (o instrumento + diwa ng pag-alam)

kaya,

Ang ‘reyalidad’ ay function ng Konsepto. [ZAS]

2. y = f (x), kung saan,

y = kawastuhan ng mga konsepto
x = ‘katotohanan’/’reyalidad’

kaya,

Ang kawastuhan ng ating mga konsepto ay function ng “katotohanan” o “reyalidad.” [Bomen]

May pagka-istatiko ang pormulasyong [1] na pinagbatayan ng dalawang argumento.


II. Maaaring lumitaw kapwa ang p at q mula sa dinamikong ugnayan-talaban ng ilang mga sub-elemento at entidad.

Maaaring magamit ang isa pang pormulasyong matematikal [2] upang isalarawan ang isang dinamikong relasyon ng konsepto/kadalumatan sa reyalidad/katotohanan.

dx/dt = f (x, y) [2]
dy/dt = g (x, y)

Ginamit na pormula ito ni Richard Lewontin, isang geneticist, sa kanyang klasikong kritisismo sa kadalasang interpretasyon sa Darwinistang konsepto ng “adaptasyon.” Sa popular na pagpapakahulugan ng “adaptasyon,” ang pagka-obhetibo/reyalidad ng kapaligiran ng isang organismo (environment) ay hiwalay sa dinamikong reyalidad ng organismo. Sa pormulasyon ni Lewontin, ganito ang matematika ng di-diyalektikal na ebolusyunaryung pananaw:

dO/dt = f (O, E)
dE/dt = g (E)

kung saan, O = organismo; E = kapaligiran. Ang pagbabago (d) ng organismo (mas tukma, pagbabago ng populasyon ng mga indibidwal na organismo sa daloy ng panahon) ay nakadepende sa inter-aksiyon ng organismo at kanyang kapaligiran [change of organism over time: delta O over delta t is a function of O and E]. Dito nakabatay ang tinatawag na adaptasyon. Sa ikalawang pormula sa itaas, ang pagbabago ng kapaligiran (E) sa daloy ng panahon ay resulta ng pagbabago ng mga elemento ng kapaligiran (E) rin mismo. Hindi binibigyang-diin ng pormula ang papel ng organismo sa pagbabago ng kapaligiran (umiiral na ‘reyalidad’ ng kumikilos na organismo)—i.e., ang kapaligiran ay nakapormalisa bilang abstrak, hiwalay na bagay.

Ang pormulasyong,

dO/dt = f (O, E)
dE/dt = g (O, E)

ay pagkorekta ni Lewontin sa nauna. Ipinormalisa dito ni Lewontin ang katotohanang di lamang adaptasyon (o pagsang-ayon) sa umiiral na “reyalidad” ang ginagawa ng mga organismo. Ang mga pagkilos na ginagawa ng mga orgnismo ay aktibo ring nagkokonstrak—lumilikha—ng mga bagong kaayusan. Magkatambal na adaptasyon-konstruksiyon ang talagang nangyayari (adaptation-niche construction).

Gagamitin dito ang ikalawang pormulasyon ni Lewontin sa itaas dahil may nakikita akong pagkakahawig ng pormula ni Salazar sa ideya ng niche construction (hinuhulma ng isipan/organismo ang reyalidad) at sa pormula ni Bomen sa adaptation (hinuhulma ng naririyan nang reyalidad ang isipan/organismo).

Maaaring ituring na pangatlong argumento ang malilikha batay sa pormula [2] sa itaas.

3. dx/dt = f (x, y)
dy/dt = g (x, y), kung saan,

kategorya/dalumat  kasangkapan sa pag-alam
kasangkapan sa pag-alam  kategorya/dalumat
kasangkapan sa pag-alam =  dm (d = kadalumatan, m = materyal na mga kagamitan) [materyal na “kagamitan” = (para sa tao), papel, notbuk, bolpen, libro, lapis, mikroskopyo, teleskopyo, kompyuter, internet, lupa, bato, kemikal, ang ating hominid nervous system/cognitive structure, sariling-katawan, ibang mga tao, panlipunang kalagayan (hal., class standing), iba’t ibang species,→ n. (cf. Bruno Latour)]
‘reyalidad’/‘katotohanan’ = namumuo/umiiral na kaayusan ng “mundo” ng organismo/populasyon/lipunang umaalam (tao man o di tao)

at

y = “kasangkapan sa pag-alam”
x = namumuo/umiiral na kaayusan ng “mundo”

kaya,

Ang pagbabago ng “kasangkapan sa pag-alam” ay function ng inter-aksyon ng kasangkapan sa pag-alam at umiiral na kaayusan ng mundo; at ang pagbabago ng umiiral na kaayusan ng mundo ay function pa rin ng inter-aksyon ng kasangkapan sa pag-alam at umiiral na kaayusan ng mundo. May ko-ebolusyonaryong proseso ang kasangkapan sa pag-alam at kaayusan ng mundo.

May ko-ebolusyunaryong prosesong nangyayari sa tatawagin ngayong Konsepto/Dalumat sa isang banda at Reyalidad/Katotohanan sa kabilang banda.

Produkto ng abstraksiyon ang dalawahang pagkakategorya (hal., “Konsepto” at “Reyalidad”) bilang parang mga atomistikong entidad. Hindi naman mali per se ito. Ngunit kailangang huwag kaligtaan ang relasyunal at dinamikong kondisyon ng mas marami pang mga pwersa.


III. Ang reyalidad ay (1) parang damo, at (2) isang uri ng demokrasya

Interesante, sa ganyang pormulasyon, ang depinisyon ng “reyalidad”—lalong-lalo na sa lebel ng organismo, lipunan at ekolohiya—na mahihiram kay/inspirado ni Donna Haraway, “a congealing of ways of interacting.”

Maaaring lagumin ang mga diskusyon sa itaas sa pamamagitan ng pagbibigay ngayon ng isang magagamit na depinisyon:

‘reyalidad’/katotohanan = nakasanayang paraan ng pag-uugnayan—kung saan, (1) ang mga elementong nag-uugnayan ay di lang mga tao, kundi tao at mga di-tao, at (2) ang dami ng nag-uugnayang mga entidad/kasangkapan ang nagpapalalim, nagpapalawak, at nagpapatatag nito.

May ilang bagay na mahuhugot sa ganyang klaseng depinisyon:

Una, makikita sa ganyang pakahulugan na ang reyalidad ay talagang pulitika ng kosmikong demokrasya—napapalawak o napapakitid depende sa nabubuksang partisipasyon ng mga tao at di-taong kalahok—at, kung gayon, may mga antas rin ng tunggalian at hidwaan ng mga pwersa sa proseso ng pagpapanatili/pagbabago ng namumuong istilo.

Makikita rin na walang malinis na pagkakahiwalay ng reyalidad ng isang organismo/populasyon/lipunan sa iba pang organismo/populasyon/lipunan, na parang mga incommensurable na Reyalidad A, Reyalidad B, C, D… Meron lamang mga haba, tindi, at magalaw na pagsasalabid ng mga konektadong ugat at hibla ng iisang damo. Dala ito ng pagkakaiba-iba ng porma ng ugnayan.

Panghuli, dapat salungguhitan na dahil kinikilala dito ang partisipasyon ng mga di-tao sa paglikha/muling-paglikha ng reyalidad, ang umiiral na porma ng pag-uugnayan ay lampas sa wika at pag-uusap na pang-tao. Ang pag-uugnayan ay lampas pa nga sa ugnayan ng mga may-isip/utak: maliban sa inter-subhetibong mga relasyon ng magkakaibang uri ng hayop, meron ding mga inter-obhetibong relasyon. Dahil lampas sa ‘mundo’ ng tao-at-tao, hindi hari ang wika—o isang partikular na wika—sa batas ng mas malawak na pag-uugnayan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home