6.07.2006

William Carlos Williams
Ito
[Salin: Lamaw]

ang mga mapanglaw, madilim na linggo
nang ang baog na parang
ay pumapareho sa katangahan ng tao.

Tumalon ang taon sa dilim
at sumisid ang puso
nang mas malalim pa sa gabi

doon sa hungkag, binabagyong bayan
na walang araw, bituin, o buwan
kundi kakaibang ilaw na parang isipan

na humahabi ng madilim na apoy—
umiinog sa sarili hanggang,
sa lamig ng gabi, ay magsisindi

upang imulat ang tao sa hindi
namamalayang bagay, hindi ang kalungkutan
mismo—Hindi multo ngunit

yayakapin—kahungkagan,
kawalang-pag-asa—(Sila'y
umuungol at nananaghoy) sa mga

siklab at ugong ng digmaan;
mga kabahayang ang lamig ng mga silid
ay mas matindi sa kayang isipin,

mga pumanaw na taong minamahal,
mga bakanteng katre, mga sofang
hinahamug, mga upuang nag-iisa—

Itago ito sa isang sulok
palayo sa isipan, paugatin
patubuin, malayo sa inggiterong

mga mata at tainga—para sa kanyang sarili.
Sa minang ito sila'y maghuhukay—lahat.
Ito ba ang talunaryo sa pinakamatamis

na musika? Ang balon ng berso na
sa pagkakitang huminto ang orasan, magsasabing,
Huminto ang orasan

na kahapo'y umaandar ng maayos?
at makaririnig sa tilamsikan
ng tubig-lawa—iyan ngayo'y bato.

1938

0 Comments:

Post a Comment

<< Home