6.04.2006

Edwin Muir
Ang Mga Kabayo
[Salin: Lamaw]

Wala pang isang taon matapos
Ang pitong araw na digmaan na nagpatulog sa daigdig,
Sa kalaliman ng gabi dumating ang kakaibang mga kabayo.
Noo'y natanggap na namin ang katahimikan,
Ngunit sa unang mga araw ay talagang napakatahimik
Naririnig namin ang aming mga hininga at kami'y nanginig.
Sa ikalawang araw
Walang brodkast ang mga radyo; naghanap ng mga istasyong bukas; wala.
Sa ikatlong araw, dumaan ang isang barkong pandigma, patungong hilaga,
Karga ang tambak na patay. Sa ikaanim na araw
Isang eroplano ang bumulusok sa dagat sa aming harapan. At pagkatapos
Katahimikan. Ang mga radyo'y pipi;
Ngunit sila'y nasa sulok pa rin ng aming mga kusina,
Nandoon, siguro'y nakabukas pa rin, sa libo-libong bahay
Sa buong daigdig. Ngunit kung sila ma'y magsasalita pa,
Kung sa isang saglit ay biglang aandar,
Kung sa pagpihit ng tanghaling tapat ay biglang magsasalita,
Hindi kami makikinig, hindi namin ito papayagang dalhin muli sa amin
Ang matanda at masamang mundo na lumunok bigla sa kanyang mga anak
Sa isang malaking lagok. Ayaw na namin ng ganon.
Minsan inisip naming mahimbing na natutulog ang mga bansa,
Walang-muwang na bumabaluktot sa di-matarok na kalungkutan,
Ngunit ang kaibahan ng ganitong pangyayari ang siya ring nagpamangha sa amin.
Ang mga traktor ay nakatiwangwang sa bawat parang; sa gabi
Mistula silang mga itim na halimaw ng dagat, yuko at naghihintay.
Iniwan namin silang ganyan at hinayaang matupok ng kalawang:
'Sila'y maaagnas rin at magiging lupa.'
Pinatrabaho namin ang mga baka upang hilain ang aming kalawanging araro,
Na matagal nang hindi ginagamit. Bumalik kami
Sa panahon ng aming ninuno.

Pagkatapos, isang gabi
Sa huling yugto ng tag-araw dumating ang kakaibang mga kabayo.
Nakarinig kami ng mahihinang katok sa daan,
Lumalakas na tambol; huminto, at muling lumakas
At sa isang sulok ay naging isang maugong na kulog.
Nakita namin ang kanilang mga ulo
Tulad ng mabangis na daluyong at kami ay nanginig.
Binenta namin ang aming mga kabayo noong unang panahon
Upang makabili ng mga bagong traktor. Ngayo'y nanibago kami sa kanila
Parang mga kagila-gilalas na kabayo ng mitolohiya.
Hindi kami nagtangkang lumapit. Ngunit sila'y naghintay,
Matatag at may pangingimi, na tila sila'y sinugo
Ng isang lumang kautusang hanapin kami
At ang aming matagal-nang-nakabaung pagkakaibigan.
Sa una'y hindi sumagi sa aming isip
Na sila'y mga nilalang na maaring angkinin at gamitin.
Kasabay nila ang mga kalahating-dosenang bisiro
Hulog mula sa kung saang kagubatan ng nawasak na mundo,
Ngunit sila'y napakabago na parang galing pa sa Paraiso.
Mula noon sila na ang humahatak sa aming mga araro at nagdadala sa mga karga,
Ngunit itong bukas na pagpapa-alipin ay pumapaso pa rin sa aming damdamin.
Nagbago ang aming pamumuhay; ang kanilang pagdating ang aming simula.

1956

0 Comments:

Post a Comment

<< Home