5.18.2006

WH Auden
Ihimlay Ang Iyong Tulog Na Ulo, Mahal Ko
[Salin: Lamaw]

Ihimlay ang iyong tulog na ulo, mahal ko
Tao sa aking taksil na braso;
Sinusunog ng panahon at mga lagnat
Ang kanya-kanyang ganda
Ng mga mapag-isip na bata, at ang libinga'y
Magpapatunay na kabataa'y panandalian:
Ngunit dito sa aking bisig hanggang sa pagputok ng araw
Hayaang humimlay itong buhay na nilalang,
Mortal, makasalanan, ngunit sa akin
Ang ganap na kagandahan.

Kaluluwa at katawan ay walang mga hangganan:
Para sa mga nag-iibigang nakahimlay
Sa kanyang mapagpaubaya't mahiwagang duyan
Sa kanilang mga karaniwang pagkahimatay,
Mabigat ang mga larawang padala ni Venus
Tungkol sa kahima-himalang damdamin,
Sangkalawakang pagmamahal at pag-asa;
Habang itong abstaktong kabatira'y sasalpok
Sa mga kimpal na yelo at naglalakihang mga bato
Nag-aapoy na hilig-laman ng ermitanyo.

Katiyakan, katapatan
Sa pagpihit ng hating-gabi, lumilipas
Tulad ng panginginig ng kampana,
At ang mga sunod-sa-modang loko-loko'y nagpapataasan
Ng kanilang marurunong nakaiinip na mga sigaw:
Bawat sintimo ng halaga,
Hula ng lahat ng kinatatakutang baraha,
Ay pagbabayaran, ngunit sa gabing ito
Wala ni bulong, ni isip,
Ni halik o tingin ay mawawala.

Kagandahan, hating-gabi, mga pangarap mamamatay:
Hayaang ang hangin ng bukang-liwayway dumamping
Maamo palibot sa iyong nananaginip na ulo
Ipakita itong araw ng tamis
Ang mata at kumakatok na puso nawa ay basbasan,
Makitang sapat na itong mundong mortal;
Ang mga tanghali ng pagkatigang ay makita kang busog
Sa mga bumubukal na lakas,
Ang mga gabi ng insulto'y pabayaan kang dumaan
Bantay ng bawat mortal na pagmamahal.

1940

0 Comments:

Post a Comment

<< Home