6.09.2006

Dylan Thomas
Huwag Padala sa Lambing ng Takipsilim
[Salin: Lamaw]

Huwag padala sa lambing ng takipsilim,
Katandaa'y dapat mapoot sa pagkagat ng dilim;
Sigaw, sumigaw laban sa paglubog ng araw.

Sa huli ay isipin man ng mga pantas na dilim ay tama,
Pagkat kidlat ay 'di mabingwit ng kanilang wika.
Muli at muli silang papalag sa paglubog ng liwanag.

Mga banal ay manghinayang sa karupukan ng mga gawang inalay,
Ngunit sa masiglang indak ng pinakahuli mang pangkat sila'y
Patuloy at patuloy na sisigaw sa paglubog ng araw.

Mga katutubong sumasayaw sa pailanlang na araw,
Sa papagapang na dilim matatauhan sa gitna ng hiyaw,
Sila'y sumisigaw laban sa paglubog ng araw.

Mga naghihingalong nakatatagpo ng katotohanan,
Pagkabulag ma'y puwedeng talang liliyab sa kadiliman,
Kahi't sila'y sumisigaw laban sa paglubog ng araw.

At ikaw, ama, diyan sa tuktok ng kalungkutan,
Pagpalain, laitin ako ng luhang may lupit.
Sa dilim ay huwag at huwag paaakit.
Sigaw, sumigaw laban sa paglubog ng araw.

1952

6.07.2006

William Carlos Williams
Ito
[Salin: Lamaw]

ang mga mapanglaw, madilim na linggo
nang ang baog na parang
ay pumapareho sa katangahan ng tao.

Tumalon ang taon sa dilim
at sumisid ang puso
nang mas malalim pa sa gabi

doon sa hungkag, binabagyong bayan
na walang araw, bituin, o buwan
kundi kakaibang ilaw na parang isipan

na humahabi ng madilim na apoy—
umiinog sa sarili hanggang,
sa lamig ng gabi, ay magsisindi

upang imulat ang tao sa hindi
namamalayang bagay, hindi ang kalungkutan
mismo—Hindi multo ngunit

yayakapin—kahungkagan,
kawalang-pag-asa—(Sila'y
umuungol at nananaghoy) sa mga

siklab at ugong ng digmaan;
mga kabahayang ang lamig ng mga silid
ay mas matindi sa kayang isipin,

mga pumanaw na taong minamahal,
mga bakanteng katre, mga sofang
hinahamug, mga upuang nag-iisa—

Itago ito sa isang sulok
palayo sa isipan, paugatin
patubuin, malayo sa inggiterong

mga mata at tainga—para sa kanyang sarili.
Sa minang ito sila'y maghuhukay—lahat.
Ito ba ang talunaryo sa pinakamatamis

na musika? Ang balon ng berso na
sa pagkakitang huminto ang orasan, magsasabing,
Huminto ang orasan

na kahapo'y umaandar ng maayos?
at makaririnig sa tilamsikan
ng tubig-lawa—iyan ngayo'y bato.

1938

6.05.2006

Claude McKay
Amerika
[Salin: Lamaw]

Kahit ako'y pinalaki niya sa tinapay ng pait,
At ibinaun sa leeg ko ang kanyang tigreng ngipin,
Ninakaw sa akin ang hininga ng buhay, aaminin ko
Mahal ko itong bihis na impiyernong sumubok sa aking kabataan!
Ang kanyang liksi ay umaagos na parang alon sa aking dugo,
Nagbigay lakas upang tumindig laban sa kanyang suklam.
Ang kanyang lawak ay tumangay sa aking pagkatao na parang baha.
Ngunit tulad ng taong-labas sa harap ng hari ng Imperyo,
Nakatindig ako sa loob ng kanyang pader, walang bahid
Ng takot, kasamaan, o mapangutyang salita.
Tiim-noo, sinilip ko ang paparating na araw,
At nakita ko ang lakas at muog ng kanyang mahika,
Natulad sa kayamanang lumulubog sa buhangin
Sa ilalim ng paghipo ng walang-paltos na kamay ng Panahon.

1922

6.04.2006

Edwin Muir
Ang Mga Kabayo
[Salin: Lamaw]

Wala pang isang taon matapos
Ang pitong araw na digmaan na nagpatulog sa daigdig,
Sa kalaliman ng gabi dumating ang kakaibang mga kabayo.
Noo'y natanggap na namin ang katahimikan,
Ngunit sa unang mga araw ay talagang napakatahimik
Naririnig namin ang aming mga hininga at kami'y nanginig.
Sa ikalawang araw
Walang brodkast ang mga radyo; naghanap ng mga istasyong bukas; wala.
Sa ikatlong araw, dumaan ang isang barkong pandigma, patungong hilaga,
Karga ang tambak na patay. Sa ikaanim na araw
Isang eroplano ang bumulusok sa dagat sa aming harapan. At pagkatapos
Katahimikan. Ang mga radyo'y pipi;
Ngunit sila'y nasa sulok pa rin ng aming mga kusina,
Nandoon, siguro'y nakabukas pa rin, sa libo-libong bahay
Sa buong daigdig. Ngunit kung sila ma'y magsasalita pa,
Kung sa isang saglit ay biglang aandar,
Kung sa pagpihit ng tanghaling tapat ay biglang magsasalita,
Hindi kami makikinig, hindi namin ito papayagang dalhin muli sa amin
Ang matanda at masamang mundo na lumunok bigla sa kanyang mga anak
Sa isang malaking lagok. Ayaw na namin ng ganon.
Minsan inisip naming mahimbing na natutulog ang mga bansa,
Walang-muwang na bumabaluktot sa di-matarok na kalungkutan,
Ngunit ang kaibahan ng ganitong pangyayari ang siya ring nagpamangha sa amin.
Ang mga traktor ay nakatiwangwang sa bawat parang; sa gabi
Mistula silang mga itim na halimaw ng dagat, yuko at naghihintay.
Iniwan namin silang ganyan at hinayaang matupok ng kalawang:
'Sila'y maaagnas rin at magiging lupa.'
Pinatrabaho namin ang mga baka upang hilain ang aming kalawanging araro,
Na matagal nang hindi ginagamit. Bumalik kami
Sa panahon ng aming ninuno.

Pagkatapos, isang gabi
Sa huling yugto ng tag-araw dumating ang kakaibang mga kabayo.
Nakarinig kami ng mahihinang katok sa daan,
Lumalakas na tambol; huminto, at muling lumakas
At sa isang sulok ay naging isang maugong na kulog.
Nakita namin ang kanilang mga ulo
Tulad ng mabangis na daluyong at kami ay nanginig.
Binenta namin ang aming mga kabayo noong unang panahon
Upang makabili ng mga bagong traktor. Ngayo'y nanibago kami sa kanila
Parang mga kagila-gilalas na kabayo ng mitolohiya.
Hindi kami nagtangkang lumapit. Ngunit sila'y naghintay,
Matatag at may pangingimi, na tila sila'y sinugo
Ng isang lumang kautusang hanapin kami
At ang aming matagal-nang-nakabaung pagkakaibigan.
Sa una'y hindi sumagi sa aming isip
Na sila'y mga nilalang na maaring angkinin at gamitin.
Kasabay nila ang mga kalahating-dosenang bisiro
Hulog mula sa kung saang kagubatan ng nawasak na mundo,
Ngunit sila'y napakabago na parang galing pa sa Paraiso.
Mula noon sila na ang humahatak sa aming mga araro at nagdadala sa mga karga,
Ngunit itong bukas na pagpapa-alipin ay pumapaso pa rin sa aming damdamin.
Nagbago ang aming pamumuhay; ang kanilang pagdating ang aming simula.

1956