6.18.2006

Edwin Muir
Silang Wala Rito
[Salin: Lamaw]

Wala sila rito. At tayo, tayo ang Ibang Tao
Na tahimik na naglalakad sa ilalim ng araw
Na sumisikat sa atin at sa atin lamang.
Dahil wala sila rito.
Na nagpakilala sa atin dito sa malawak na kawalang-laman
Na nakapaligid sa atin at namamagitan sa atin
Dahil wala sila rito.
Ngayon, dito sa kaharian ng katamarang tag-araw
Kung saan, dahan-dahan, tayong mga laksang tulala-sa-araw ay nananaginip at naliligaw
Doon sa silaw ng matinding pagkalimot
At binuga ang sarili palabas, palabas doon sa himpapawid—
Ang kawalaan ang tumanggap sa atin;
Hindi tayo makahipo, ang ating mga kaluluwa ay lumalabas doon sa kawalaan
Na namamagitan sa atin at sumusukob sa atin.
Dahil tayo ang mga Ibang Tao,
At tayo'y nalulungkot sa Kanila na hindi natin ngayon kasama,
Hindi alam na tayo'y nalulungkot o na ito ang ating kalungkutan,
Dahil ito'y hindi maabot ng isip o ala-ala o anumang kasangkapan ng paglalamay,
Ang pagluluksa sa pagkawala ng mga hindi natin naangkin,
Ang mga hindi kilala, ang mga walang pangalan,
Ang laging-nariyan na sa kanilang kawalaan ay kasama nating lagi
(Nating mga tagapagmana, mga impostor na umangkin
Sa araw at sa kaharian ng araw) upang ang hapis
At kalungkutan harinawa'y magbigay biyaya sa atin.

1949